Mahigit 300 Lumad, humingi ng hustisya para sa pinaslang na lider sa Davao del Norte

Ara Casas, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 03:37 PM

TALAINGOD, DAVAO DEL NORTE — Hustisya ang panawagan ng mga Lumad para sa kanilang lider na pinatay umano ng mga rebeldeng New People’s Army Linggo ng madaling araw.

Idinaan ng grupo sa isang protesta nitong Miyerkoles ang pagkondena sa pagpatay kay Datu Banadjao Mampaundag at sa anak na si Jhonard Mampaundag.

Bitbit ang kanilang mga placard, ipinahayag din ng mga Lumad ang kanilang galit sa mga rebelde.

“Teroristang NPA, hawa na mo dinhi sa among lugar. Malinawon na among pagpuyo dinhi. Layas na,” nakasulat sa isang placard.

(Teroristang NPA, umalis na kayo dito sa aming lugar. Mapayapa na ang aming paninirahan dito. Lumayas kayo.)

Samantala, puno ng galit at hinagpis ang biyuda ni Banadyao na si Analyn dahil ayon sa kanya, matagal nang pinag-initan ng mga NPA ang kanyang asawa.

“Kay ngano daw nagpasulod og sundalo, nagpasulod og CAFGU. Wala man laing sala akong bana. Dili man na muinom, walay sigarilyo, walay droga. Mao ng nakaingon mi nganong ilang gipatay akong bana nga murag baboy ilang gilubag,” sabi ni Analyn.

(Kung bakit niya daw pinapasok ang mga sundalo at CAFGU. Walang kasalanan ang asawa ko. Hindi siya umiinom, hindi siya nagsisigarilyo, walang droga. Kaya bakit nila pinatay ang asawa ko na parang baboy.)

Dagdag niya, nakita niya mismo ang mahigit isang dosenang NPA na naka-camouflage ang pumalibot sa kanilang bahay, dumukot at bumaril sa kaniyang mag-ama.

Sumisigaw umano ang mga ito ng "Mabuhay ang NPA!" habang paalis.

Ayon kay Sr. Insp. Rogaciano Gara ng Talaingod police, miyembro ng Front 55 ni Kumander Dodong Bago Mantikinon ang mga NPA na pumatay sa mag-ama.

Nakadalo pa umano ang dalawa sa IP Leaders' Summit sa Camp Panacan sa Davao City noong Huwebes, ayon kay Major Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command.

Paniniwala ng militar, pinatay si Banadyao at ang kanyang anak dahil sa pagbawi nila ng suporta sa mga aktibidad ng mga komunista sa kanilang lugar.

Mahigit 300 lumad ang sumali sa kilos protesta kaninang umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.