Mag-live-in partner, timbog sa buy-bust sa Taguig

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 08:00 AM | Updated as of Aug 27 2018 07:28 PM

Arestado ang isang mag-live-in partner sa ikinasang buy-bust operation sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Central Signal, Taguig City Martes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Henry Enon, 37-anyos, at Danica Tinasas, 24-anyos.

Narekober mula sa kanila ang 4 na sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,000.

Ayon kay Chief Insp. Jerry Amindalan, hepe ng drug enforcement unit ng Southern Police District, pangunahing tulak ng barangay si Enon.

Dinampot na umano itong si Enon sa Oplan Tokhang ngunit hindi sumali sa mga aktibidad ng barangay, dagdag niya.

Nitong Martes ng gabi, pinasok ng mga operatiba ang bahay ng mga suspek matapos bumili ang isang undercover na pulis kay Enon ng isang sachet ng shabu.

Nasa kuwarto rin umano ang live-in partner ni Enon na si Tinasas kaya inaresto din siya.

Pinabulaanan naman ni Enon ang mga paratang sa kanila. Hindi umano galing sa kanila ang mga nasabat na droga.

Umamin siyang gumagamit sila ng ilegal na droga. Iginiit niya na ang kapitbahay nilang si alyas Jeff ang totoong tulak sa lugar.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.