Lalaking nagwala dahil umano sa kalasingan, pinagbabaril, patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 07:58 AM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Muzon, Malabon City Miyerkoles ng hatinggabi.

Kinilala ang biktima na si Alvin Bangayan, 26-anyos.

Ayon sa imbestigasyon ng Malabon police, lasing umano ang biktima at nagwawala sa lugar.

Pauwi na sana si Bangayan sakay ng kaniyang motorsiklo nang pagbabarilin ng isang lalaking sumaway sa kanya.

Natagpuan sa crime scene ang 15 basyo ng kalibre 9mm na baril.

Ayon sa mga pulis, dati nang naireklamo sa barangay ang biktima dahil din sa pagwawala.

Hindi naman ito itinanggi ng kapatid ng biktima.

"Before. Nakulong na dati pero nagbago na naman 'yan," ani Jenica Bangayan.

Katarungan ang sigaw ngayon ni Jenica.

"Sa gumawa niyan, sana makonsyensa ka," dagdag niya.

Tukoy na ng Malabon police ang salarin na tumakas sa lugar sakay ng isang motorsiklo. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.