Lalaki pinagbabaril dahil umano sa alitan sa sabong

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 08:30 PM | Updated as of Aug 29 2018 12:06 AM

Patay ang isang 31 anyos na lalaki nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Butao sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan Martes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Nestor de Guzman. Ayon sa pulisya, katatapos lamang nitong ihatid sa eskuwelahan ang kaniyang anak sakay ng motorsiklo nang tambangan ang biktima mga salarin.

"Pagbalik niya, pag-uwi, sinundan itong biktima. Sinabayan po ng naka-angkas sa motor," ani Chief Insp. Dennis Ballitoc.

Wala namang maisip ang pamilya na nakaalitan o nakasamaan ng loob ng biktima. 

Ngunit bago tuluyang mamatay ay may binanggit umanong pangalan si De Guzman.

Isa sa mga tinitingnang anggulo ng pulisya sa krimen ay ang pagsasabong ng biktima. Posible umanong may nakaalitan ito base na rin sa pangalang kaniyang nabanggit.

"Base sa mga witness na na-interview namin, magkakasama 'tong mga 'to, parang kasama 'to sa pagsasabong. Nagka-onsehan sa sabong o sa manok," paliwanag ni Ballitoc.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.