Lalaki, patay matapos saksakin ng umano'y kalaguyo ng asawa

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 01:30 AM

Patay ang isang lalaki matapos saksakin ng umano'y kalaguyo ng kanyang asawa sa Diliman, Quezon City nitong Martes ng gabi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pumunta lamang ang biktima na si Marlon Garsain, 41, sa lugar upang sunduin ang kanyang asawa na dumalaw sa sinasabing kalaguyo nito na si Sonnylito Tobilla.

Pagdating sa lugar ay nadatnan ng biktima ang kanyang asawa na si Katrina Garsain sa bahay mismo ni Tobilla ngunit wala naman ang suspek kaya't kinaladkad umano nito palabas sa kalsada ang asawa.

Ngunit nakatakas si Katrina at tumakbo papalayo kaya't inakala nitong bumalik ito sa bahay ng kanyang kalaguyo.

Ngunit imbis na asawa niya ay si Tobilla ang kanyang naabutan sa bahay kaya't nag-away sila hanggang sa makakuha ng kutsilyo si Tobillo at inundayan ng saksak ang biktima sa iba't ibang bahagi ng katawan. Dead on the spot si Marlon.

Agad namang tumakas ang suspek na pinaghahanap na ngayon ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.