Wala nang mabibiling bigas ng National Food Authority (NFA) sa ilang pamilihang bayan sa Marikina at Rizal.
Ayon sa ulat ni Radyo Patrol 41 Jeffrey Hernaez, tanging commercial rice na lamang ang pansamantalang mabibili sa pamilihang bayan ng Marikina at Masinag sa Antipolo.
Sumunod naman niyang tinungo ang Cainta kung saan ibinebenta ng isang retailer ng bigasan ang commercial rice na sinandomeneng mula P42 hanggang P48 kada kilo.
Tatlong piso umano ang itinaas ng kanilang presyo simula pa noong nakaraang buwan dahil nagtaas na rin ang bigay sa kanila kada kaban ng bigas ng kanilang mga supplier.
Nauna nang sinabi ni NFA spokesperson Becky Olarte, nasa pang 2 araw na lamang ang itatagal ng supply ng kanilang bigas.
Sa mga naunang ulat, ramdam din ang kawalan ng supply ng NFA rice sa Quezon City maging sa Cotabato City, Baguio at Benguet.
Limitado rin ang suplay ng NFA rice sa Pangasinan at Zamboanga del Norte dahil nakalaan ang suplay nito para may maipamahaging bigas sakaling tumama ang sakuna.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.