Ilang bahay sa Cavite, dinikitan ng 'drug-free' sticker

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 09:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Namigay ng stickers ang kapulisan ng Rosario, Cavite sa mga residente para maihiwalay ang mga ito sa mga posibleng sangkot sa ilegal na droga.

Ilang tahanan sa Barangay Poblacion, Rosario ang dinikitan ng sticker, kung saan nakasaad na ang naturang bahay ay "drug-free," o nangangahulugang walang nakatira sa bahay na iyon na may kinalaman sa droga. 

"'Yong mga occupants doon, residents doon ay talagang walang involvement sa illegal drugs," ani Superintendent Michael Secillano, deputy for administration ng Cavite police.

Pero nilinaw ng punong barangay ng Poblacion na hindi ibig sabihing may drug personality ang isang bahay dahil lang wala itong sticker.

"Lahat magkakaroon nito, walang pipiliin," ani Dinah Oquialda, barangay chairman ng Poblacion.

Bukod sa mga bahay, dinikitan din ng sticker ang mga pedicab at traysikel ng mga tsuper na pumasa sa drug test.

"Kailangan i-assure natin ang riding public na ang kanilang pagsakay sa mga certified drug-free drivers ay safe sila," sabi ni Secillano.

Sang-ayon naman sa hakbang ang ilang tsuper.

"Unang-una 'di naman ako nagda-drugs. Maganda rin sa pasahero," pahayag ng isang tsuper. 

Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), bagaman nauunawaan nila ang hakbang ng pulisya, maaari itong magdulot ng diskriminasyon sa mga walang sticker.

"We are concerned that this will unduly discriminate those without drug-free stickers and they may be labeled as drug-users/pushers without due process of law," pahayag ni Atty. Jackie De Guia, tagapagsalita ng CHR. 

Pinaalala ng CHR sa pulisya na respetuhin at protektahan ang dignidad ng bawat tao.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.