Ginang na miyembro umano ng sindikato, arestado sa QC

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 02:00 AM | Updated as of Aug 27 2018 07:38 PM

Sa kulungan ang bagsak ng anim na katao, kabilang ang isang 67-anyos na ginang na sinasabing bahagi ng sindikato na nanloloko sa mga negosyante sa Metro Manila.

Kinilala ang pangunahing suspek na si Salvacion Rizo, residente ng Barangay San Antonio at gumagamit ng mga alyas na Teresita Yao, Lannie Reyes, Norma Araneta, at iba pa.

Ayon kay SPO1 Jonathan Bustante ng Masambong Police Station, nagsagawa sila ng entrapment operation sa BarangaySan Antonio matapos humingi ng tulong sa kanila si Jennifer Santos na makikipagtransaksyon sa suspek.

Ang modus ni Rizo, bibili ng sako-sakong bigas na babayaran ng tseke na kalaunan ay wala palang bisa.

Nang ideliver na ang mahigit 50 sako ng bigas ay dito na inaresto ng pulisya ang suspek na napag-alamang may standing warrant of arrest sa Valenzuela dahil din sa kasong estafa.

Si Rizo rin umano ang babaeng nanloko sa asawa mismo ni Santos noong nakaraang taon na bumili ng dalawang truck ng bigas na nagkakahalaga ng P500,000 at binayaran ng pekeng tseke. 

Naaresto rin sa transaksyon sina Manuel Pascual, 73, Elizabeth Camasis, Sheila Sapio, Ricardo Andico, at Ricardo Bodosco na sinasabing kasabwat ni Rizo.

Ayon kay Rizo, alam niyang tumalbog ang mga tseke ngunit hindi niya binalikan ang mga negosyante dahil natatakot umano siya sa mas mataas pa aniyang nag-uutos sa kanilang grupo.

"Inutusan akong kumuha ng bigas, sumunod ako tapos hindi naman nabayaran. Sa una hindi ho, pero nalalaman ko rin kasi ina-update ko yung bangko, na wala nang pondo. Eh kasi po natatakot naman ako kasi siyempre may mataas naman sakin," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.