Gabriela, mga biktima ng Dengvaxia, nangalampag sa DOH

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 02:22 PM | Updated as of Feb 07 2018 02:23 PM

Nagprotesta ang mga batang naturukan ng Dengvaxia kasama ang kanilang mga magulang sa tanggapan ng Department of Health sa Maynila Miyerkoles. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Kinalampag ng grupong Gabriela kasama ang mga kabataan na naturukan umano ng Dengvaxia ang tanggapan ng Department of Health (DOH) sa Tayuman, Sta. Cruz, Maynila, Miyerkoles ng umaga.

Suot ng mga batang naturukan ng dengue vaccine ang face mask na may nakasulat na "save us" o "iligtas kami," habang ang kanilang mga magulang naman ay bitbit ang mga placard na may panawagan sa pamahalaan na dapat ay may panagutin.

Humihingi rin ang mga magulang ng tulong pinansiyal para sa mga naturukan ng dengue vaccine.

Nais ng mga magulang at ng Gabriela na makipag-usap sa mga opisyal ng DOH ngayong araw upang maiparating ng personal ang kanilang hinaing at pangamba.

Itinigil ng DOH ang dengue vaccine program noong Disyembre matapos ianunsyo ng Sanofi Pasteur, manufacturer ng Dengvaxia, na maaari itong magdulot ng mas malalamang sintomas ng dengue kapag itinurok sa hindi pa nagkakaroon ng ganitong sakit. 

May 830,000 na bata ang nabakunahan sa ilalim ng programa. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Noong nakaraang linggo, sinabi ng DOH na may nakitang "vaccine failure" sa dalawa sa tatlong batang may turok ng Dengvaxia na namatay. 

Ito ay ang pagkakaroon pa rin ng sakit ng isang pasyente kahit naturukan na para maiwasan ito. 

Nanindigan naman ang Sanofi Pasteur na wala pang naiulat na namatay dahil sa Dengvaxia sa higit isang milyong doses na naiturok na sa iba't ibang bahagi ng mundo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.