Davao health officers, nagbabahay-bahay para magbakuna kontra tigdas

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 09:20 PM

Mismong mga kawani na ng Davao City health office (CHO) ang nagpunta sa mga bahay para hikayatin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra tigdas. 

Ilang magulang kasi ang nangambang pabakunahan ang anak kontra tigdas kasunod ng kontrobersiya sa Dengvaxia.

Nitong Enero, idineklara sa lungsod ang measles outbreak kaya agad nagsagawa ng outbreak response immunization o agarang pagbabakuna ang CHO.

Mahigit 200 ang naitalang kaso ng tigdas mula Nobyembre 2017 at umabot na sa 15 ang namatay sa komplikasyon ng tigdas. 

Ayon sa CHO, kontrolado na nila ang kaso ng tigdas sa ibang lugar sa Davao City.

Katuwang din nila ang barangay para mas mapaigting pa ang kampanya laban sa tigdas.

Sa Dagupan, mula sa dating 90 porsiyento, bumagsak sa 71 porsiyento ang nagpapabakuna sa regular immunization programs ng CHO.

May mga magulang daw kasing nababahala nang magpabakuna ng anak dahil pa rin sa isyu sa bakuna kontra dengue.

May mga magulang na ring tumatanggi maging sa deworming sa mga paaaralan.

Ipinapaliwanag naman sa mga magulang na magkaiba ang Dengvaxia sa mga binabakuna ngayon sa mga bata.

Nakiusap din ang CHO sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak para maiwasan na rin ang outbreak ng mga sakit na puwede sanang makontra ng bakuna.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.