Cocaine na natagpuan sa Isabela, kapareha ng nadiskubre sa Sorsogon

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 08:02 PM | Updated as of Aug 29 2018 02:30 AM

Natagpuan ang nasa 79 milyong halaga ng cocaine sa Dipudo Island, Isabela nitong Martes. Kuha ng Police Regional Office 2

ILAGAN CITY - Pareho umano ang natagpuang cocaine sa pampang ng Dipudo Island, Isabela sa drogang nauna nang nakuha sa Matnog, Sorsogon na pinaniniwalang itinapon sa dagat ng isang sindikato ilang taon na ang nakakaraan, ayon sa pulisya.

Ayon kay Chief Supt. Jose Mario Espino, direktor ng Police Regional Office 2, pareho ang pagkakabalot ng dalawang droga na may logo na fox face at dalawang titik R. 

Aniya, imposible na galing ito sa mga taga-Isabela.

"These are the same [as what was] recovered in PRO-5 sa Bicol region. It bears the same markings "RR" based sa report ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency). These are still remnants nung mga drugs na supposedly dumped sa Pacific Ocean ng isang drug syndicate from South Africa for Hong Kong," ani Espino.

"So ito 'yun, 2010, ano na ngayon 2018, so 8 years palaot-laot 'yung contraband and it was really sealed off kaya hindi mawawala, but we will remove," dagdag niya.

Natagpuan sa Matnog, Sorsogon ang nasa P125-milyong halaga ng hinihinalang cocaine noong Enero 4, na kapareho ng nakita sa Isabela kamakailan. Kuha ni Darrel Jun Buena

Nagsagawa na rin daw ng aerial surveillance sa baybayin ng coastal towns sa lugar kung sakaling may mga inanod pang container na may lamang cocaine.

Nitong Martes, nadiskubre ang nasa P79 milyong halaga ng cocaine sa pampang ng Dipudo Island sa Divilacan, Isabela.

Natagpuan naman ang nasa P125-milyong halaga ng hinihinalang cocaine sa bayan ng Matnog, Sorsogon noong Enero 4.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.