Barge na may kargang buhangin, nabahura sa El Nido

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 11:37 PM | Updated as of Aug 29 2018 03:38 PM

Kuha ng Philippine Coast Guard-El Nido

Nabahura ang isang barge na may kargang buhangin sa karagatang sakop ng Barangay Buena Suerte, El Nido, Palawan nitong Miyerkoles ng umaga.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Coast Guard, nagmula sa pantalan ng Zambales ang LCT OMS 6 na may kargang 1,200 cubic meters na buhangin at dadalhin sa bayan ng El Nido.

Nagkaroon ng steering malfunction ang barge at aksidenteng napadpad ito sa mababaw na parte ng karagatan.

Halos 70 porsyento ng parte ng barge ang sumadsad pero wala namang naitalang oil spill at nasirang korales.

Ligtas din ang 15 tripulante ng barge.

Kasalukuyang nanatili pa rin sa karagatang malapit sa pantalan ng El Nido ang nabahurang barge.

Kailangan namang maipakita ng kapitan ng barge ang kanilang certificate of seaworthiness mula sa Maritime Industry Authority bago payagang maialis ang barge sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.