ALAMIN: Parusa sa nagpapaupa ng pabahay ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 08:54 PM | Updated as of Feb 07 2018 09:21 PM

Maaaring maharap sa anim na taong pagkakakulong at magmulta ng hindi bababa sa P60,000 ang isang taong mapatutunayang nagpaupa ng pabahay na pinagkaloob ng gobyerno.

Lumabas ito sa talakayan sa programang 'Usapang de Campanilla' nitong Martes tungkol sa 'professional squatting' o 'squatting syndicate.' 

"Ito 'yung mga tao o grupo na pinagkakakitaan 'yung mga illegal settlers. Sinisingil nila 'yung mga taong tumitira sa [pabahay]," ani Atty. Claire Castro.

Kapag may rason kung bakit hindi kinuha ang pabahay, dapat umanong ibalik ito imbes na pagkakitaan sa pamamagitan ng pagpapaupa, ayon kay Castro.

Dagdag pa ni Castro, hindi sana dadami ang illegal settlers sa bansa kung naipatupad nang maayos ang "Lina Law" o Urban Development and Housing Act of 1992.

"'Yung mga illegal settlers at that time, dapat minonitor ng local government, in coordination with the [National Housing Authority]," ani Castro.

Sa mga nakakaalam ng kaso ng professional squatting, maaaring magsumbong sa barangay para maiakyat ang kaso sa lokal na pamahalaan at sa NHA, ayon kay Castro.

Kamakailan lamang ay napabalita ang umano'y ginagawang pagbebenta ng ilang miyembro ng Kadamay sa mga pabahay na pinagkaloob sa kanila ng gobyerno.