ALAMIN: Ano ang 'SIM replacement' modus?

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 04:33 PM | Updated as of Feb 07 2018 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang subscriber ang nabiktima ng modus operandi na binansagang "SIM replacement" na nagbunga sa pagkalimas ng laman ng kaniyang bank account, na nagamit pa sa online transactions. 

Kuwento ni alyas "Chia," Disyembre 27 noong nakaraang taon ay nakatanggap siya ng P30 halaga ng load.

Kasunod nito, tinawagan siya ng isang nagpakilalang "Jessica." 

"Nagpakilala siya, from Globe Store daw siya. In-instruct niya ako na i-flight mode ko 'yung phone ko para daw ma-reverse nila 'yung load dahil nagkaka-system error daw sila doon sa kanila," kuwento ng biktima.

Sinunod umano ni Chia ang sinabi ni Jessica pero matapos noon ay hindi na bumalik ang kaniyang signal. 

Dito na nalaman ni Chia na isang nagpakilalang Jericho Figuracin ang pumunta sa Globe para ideklarang nawawala ang prepaid SIM card niya. 

Nagpakita pa ang lalaki ng affidavit of loss at nagpakilalang boyfriend ni Chia para makuha ang kapalit na SIM. 

Malaking palaisipan kay Chia kung papaano nalaman ni Figuracin ang kaniyang mga personal na detalye. 

"Iyong mga bank accounts ko naka-link doon sa number na iyon," ani Chia. 

Noong araw ding iyon ay na-hack ng lalake ang kaniyang bank accounts at nagamit pa sa online transactions.

"Hindi ko na ma-access 'yung online banking ko, eh di kinabahan na ako. Pamunta ako sa pinakamalapit na ATM sa amin tapos ang lumabas insufficient funds na, wala na 'yung pera ko du'n lahat," aniya. 

Abangan ang buong istorya sa "Red Alert" mamayang Miyerkoles ng gabi, pagkatapos ng Bandila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.