200 ex-NPA pinatuloy sa kampo ng militar

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 01:06 PM


KALABAN NOON, PANAUHIN NGAYON: Bumisita sa kampo ng militar ngayong Miyerkoles ang nasa 200 dating miyembro ng New People's Army na sumuko sa pamahalaan noong nakaraang taon. 

Pinangunahan ni Armed Forces chief of staff General Rey Leonardo Guerrero ang welcoming ceremony para sa mga dating rebelde sa Camp Aguinaldo, Quezon City. 

Nagmula sa Davao Oriental at Compostela Valley ang grupo at ibiniyahe ng pamahalaan nitong Martes pa-Maynila. 

Nakatakda silang maghapunan kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ngayong Miyerkoles. 

Una nang binigyan ng educational tour ang grupo sa Intramuros at Luneta Park.


Dadaan din sila sa livelihood training na pangungunahan ng Technical Education and Skills Development Authority. 

Layon ng mga aktibidad na ipakita sa mga dating rebelde na may magandang oportunidad na naghihintay sa labas ng kilusang rebolusyonaryo, ayon kay Brig. General Reuben James Basiao ng 701st Brigade. 

Nais rin umano nilang bigyan ng bagong pananaw sa kasaysayan ng Pilipinas ang mga dating rebelde.

Naniniwala rin si Basiao na mas marami pang NPA member ang mahihikayat na sumuko sa tulong ng mga programa ng pamahalaan.

Ang 215 na mga dating miyembro ng NPA na pumunta dito ay kabilang sa 683 na sumuko sa pamahalaan at iprinisenta sa Eastern Mindanao Command sa Davao City nitong Disyembre. 

Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.