1 caller nagbanta na pasasabugin ang ilang gusali sa Maynila

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2017 03:06 PM

Binulabog ng bomb threat ang TRIDA building o dating Masagana Building sa Kalaw St. at Taft Avenue sa Ermita, Maynila kung saan matatagpuan ang tanggapan ng MARINA at Metropolitan Trial Court.

Ayon sa Manila Police District, bandang 11:50 a.m. unang nakatanggap ng bomb threat sa telepono si Daisy Bangalan, staff ng Triple A Clinic na nasa 6th floor na. Ayon sa tumawag, may sasabog na bomba.

Nasundan ang bomb threat bandang 11:55 a.m. at ang nakatanggap naman ay si Jericho Racho ng Office of the Clerk of Court.

Sinabi umano ng caller na, "Makinig ka papasabugin namin ang building niyo ngayon."

Makalipas ang ilang minuto, ang sheriif naman ng Metropolitan Trial Court na si Daniel Saligumba ang nakatanggap ng tawag.

Sinabi umano ng caller na, "2 p.m. sasabog ang building niyo! Tingnan natin ang tapang ng presidente niyo!"

Lalaki umano ang caller at may background ng batang nagsasalita.

Sa ngayon ay pinalikas na ang mga empleyado ng MARINA, Metroplitan Trial Court at Office of the Cleri of Court habang ginagalugad ng MPD-Explosive and Ordinance Division ang pitong palapag na gusali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.