Ikinadismaya ni Sen. Pia Cayetano ang paggamit ng iba't ibang flavor at cartoon character sa mga ibinebentang produkto sa vape shops at online stores.
Ayon sa senador, mistulang pang-aakit ito sa kabataan na gumamit ng vape sa murang edad.
Bukod sa mga cartoon character, ikinababahala rin ni Cayetano ang mga nabibiling vape na may flavor ng ilang kilalang tsokolate, prutas, at kendi.
Giit niya, labag ito sa isinasaad ng E-cigarette Regulation Law.
"In the sin tax law, the provision of law was that only tobacco and plain menthol are allowed. Under the E-cigarette Regulation Law, this was amended. Tinanggal ang very clear prohibition na ito," aniya.
Sa naturang probisyon, ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga vape products na mayroong nakalagay na kahit ano'ng pang-aakit sa kabataan.
"A flavor descriptor is presumed to unduly appeal to minors if it includes a reference to a fruit, candy brand, dessert, or cartoon character," ayon sa naturang batas.
"These are the flavors now, hindi ba direct violation 'yan? Ano 'yan melon, hindi ba prutas 'yun? This is very clear, I read the provision of law... hindi po ba reference to a fruit ito," giit ni Cayetano habang ipinakita sa sesyon ng Senado ang ilang larawan ng vape products.
Ipinakita rin ni Cayetano ang ilan pang vape products na may disenyo ng mga pambatang cartoon character.
Nakatakdang magpasa ng resolusyon ang Senado laban dito at pagpapaliwanagin din ang Department of Trade and Industry na siyang regulatory body para sa vape products.
"We adopt an unnumbered resolution today, asking, of course condemning all these products being sold in the market and imploring the DTI to implement the law to the letter," ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ayon kay Cayetano, batay sa tala ng Global State of Tobacco Harm Reduction o GSTHR, may tinatayang 2.7 million na Filipino na gumagamit ng vaping devices.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.