Tinatayang aabot sa P20 milyon ang halaga ng pinsala sa sunog na sumiklab sa isang bodega sa Parañaque noong gabi ng Linggo, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Pasado alas-11 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa warehouse ng kahoy sa Barangay San Antonio, na nagsimula sa barracks ng mga tauhan ng bodega, ayon sa BFP.
Karamihan sa mga nakaimbak sa bodega ay plywood at iba pang kahoy kaya mabilis kumalat ang apoy, na umabot sa Task Force Bravo ang fire alarm.
Naalarma rin ang kalapit na gasolinahan ng warehouse kaya agad sinara ang pump ng station.
Naging pahirapan din ang pagresponde ng mga bombero dahil bukod sa makitid na daan, kulang din ang supply ng tubig.
"According to Maynilad, mahina ang supply nila dito. That’s why tumatawid pa kami from other cities," ani Fire Senior Supt. Douglas Guiyab.
Tinupok ng apoy ang nasa 25,000 square meters na warehouse at nadamay pati ang kalapit na establisimyento.
Wala ring nailikas na gamit ang mga tauhan ng warehouse maliban sa mga importanteng dokumento.
Wala namang naitalang nasugatan sa insidente.
Patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog.
— Ulat ni Karen de Guzman, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.