MAYNILA - Nakatakdang dumating sa bansa ang unang doses ng bakuna kontra COVID-19 na gawa ng Pfizer-BioNTech ngayon buwan, at inaasahang ito ang gagamitin para mabakunahan ang mga health worker.
Habang naghihintay, sinasabayan ito ng gobyerno ng pagsasagawa ng malawakang information campaign para maipaabot sa publiko ang lahat ng impormasyon tungkol sa COVID-19 vaccine at maitaas ang kanilang kumpiyansa sa pagpapabakuna.
"We have our townhall meetings sa iba't ibang sektor para makapagbigay impormasyon," pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
“Sana ho magkaroon ng kumpiyansa. Sinisiguro ng gobyerno na hindi tayo bibili ng bakuna na makakasama sa kanila. Ito’y sisiguraduhing ligtas at magiging epektibo para sa populasyon,” aniya.
Ayon kay Vergeire, inaasahang darating ang supplies ng naturang bakuna sa ikalawa o ikatlong linggo ng kasalukuyang buwan.
“Ang unang darating na batch ay 'yung sa COVAX na 117,000 na Pfizer vaccines,” aniya.
“Maybe after 3 to 5 days we can already roll it out,” sabi Vergeire sa panayam sa TeleRadyo Sabado ng umaga.
Pangunahing prayoridad ng gobyerno na maturukan ang nasa 1.7 milyong health workers. Pero aniya, kailangan pa itong maberipika dahil kasamang binibilang nila ngayon ang lahat ng kawani sa loob ng mga ospital.
Sabi ni Vergeire, susundin nila ang naaprubahang framework ng inter-agency task force na rekomendasyon naman ng mga eksperto sa implementasyon ng pagbabakuna.
“'Yung 117,000 ilalagak natin dito po sa ating priorities— sinabi ko nga po geographic burden and that is National Capital Region which has the highest burden, and among the National Capital Region, nag-sub-prioritize pa kami para matukoy sino sa mga ospital muna ang bibigyan natin,” sabi niya.
Sa vaccination plan ng pamahalaan, kasunod ng health workers na dapat maturukan ay mga matatanda at mga taong may comorbidity.
“Meron na tayong initial list at magpapalabas tayo ng final list,” sabi niya.
Bukod sa bakuna mula sa Pfizer, paparating na rin sa mga susunod na buwan ang AstraZeneca na galing din sa COVAX facility, na pinangungunahan ng World Health Organization upang magbigay ng patas na global access sa bakuna laban sa COVID-19, at iba pang na-negotiate ng pamahalaan na bakuna.
Sa tala ng DOH, umabot na sa 533,587 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 488,274 ang gumaling at 11,058 ang mga nasawi.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
COVID-19 vaccines, Rosario Vergeire, DOH, Vaccine hesitancy, Tagalog news, TeleRadyo