2 drug suspek nanlaban umano, patay sa hiwalay na operasyon sa Tarlac, N. Ecija

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2021 10:18 AM

2 drug suspek nanlaban umano, patay sa hiwalay na operasyon sa Tarlac, N. Ecija 1
Patay ang drug suspek matapos manlaban sa ikinasang buy-bust operation sa Talavera sa Nueva Ecija. Larawan mula sa Talavera Police

Patay ang dalawang hinihinalang drug suspek matapos makipagbarilan umano sa mga pulis sa magkahiwalay na operasyon sa Talavera, Nueva Ecija at Tarlac City, Tarlac.

Ayon kay Police Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Talavera Police, nagkasa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit sa Barangay La Torre pasado hatinggabi ng Biyernes. Target nila ang isang lalaki na nasa drug watchlist. 

Nakipagkita ang police na nagpanggap na buyer sa suspek sa isang maliit na kubo at matapos ang bentahan, nagkakutob umano ang target na pulis ang kausap kaya nagpaputok ng baril. 

Nauwi ito sa engkuwentro at napatay ang suspek. Nakuha sa kaniya ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre .38 na baril. 

Sa Tarlac City, nagkasa rin ng buy-bust operation ang mga pulis sa Barangay Sinait noong Biyernes. 

Nakatunog rin umano ang suspek na pulis ang katransaksyon kaya pinaputukan ang mga operatiba. Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang suspek.

Ayon kay Police Brig. Gen. Valeriano De Leon, Regional Director ng Police Regional Office 3, nasa drugs watchlist ang suspek at sangkot din sa mga serye ng akyat-bahay at basag-kotse sa Tarlac. 

Narekober sa kaniya ang 18 sachet ng hinihinalang shabu at kalibre .38 na baril. 

Nakatakas naman umano ang isang kasamahan ng suspek.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC