Wala pang nakikitang pag-akyat ng magma sa bunganga ng bulkang Mayon: Phivolcs

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 04:29 AM

Wala pang nakikitang pag-akyat ng magma sa bunganga ng bulkang Mayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs),

Ito ang sinabi ni Mariton Bornas, hepe ng volcano monitoring and eruption prediction ng Phivolcs sa isang panayam sa DZMM Teleradyo.

Kaya sa ngayon, nananatili pa rin sa Alert Level 2 ang nabanggit na bulkan.

"Kung magkakaroon po tayo ng senyales o hudyat na may umaakyat na talaga na magma, maaari po tayong magtaas ng alert, sa ngayon po wala tayong nakikitang ganyan," ani Mariton.

Aminado naman si Bornas na hirap silang matukoy ang magma movement dahil open vent o bukas ang singawan ngayon ng bulkan.

Kaya abiso niya ngayon sa lokal na pamahalaan na nasasaklaw ng mga lugar na nasa 6 kilometer radius permanent danger zone na tiyaking walang naninirahan doon ngayon.

Maging mapagmatyag rin aniya ang mga nakatira sa 7 kilometer radius extended danger zone dahil kung may aakyat man umanong magma sa bunganga ng bulkan, itutulak nito ang nabuong lava dome mula sa naunang pagsabog noong Marso 2018.

"Ito po ay lilikha ng tinatawag nating uson o pyroclastic density currents o pyroclastic flow na magkahalong mainit na abo at bato, lava at malalaking tipak ng bato, na dumadaloy pababa ng bulkan," ani Bornas.

Dagdag ni Bornas, may posibilidad ang pagsabog at maaari ring wala ngunit batay sa kasaysayan ng mga pagsabog nito, kapag ang nauna ay hindi gaanong kalakas, masusundan ito pagkalipas ng ilang taon lamang, tulad ng nangyari noong 2006 na nasundan noong 2009.-Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.