Pulis patay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 05:11 PM

Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Pasay City ngayong umaga ng Huwebes.

Kinilala ni Maj. Rogelio Hernandez ng Pasay police ang biktima bilang si Corporal Alvin Villareal, 32 at nakatalaga sa Kalayaan Police Community Precinct.

Pauwi na umano ang biktima bandang alas-7:30 ng umaga galing duty at sakay ng motorsiklo nang tambangan sa bahagi ng West Service Road, Barangay 201.

Sinasabing riding-in-tandem o magkaangkas sa motorsiklo ang mga salarin sa krimen, na agad nakatakas.

Dinala sa Pasay City General Hospital ang biktima at doon idineklarang dead on arrival.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang krimen at inaalam ang motibo.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.