Pag-iingat sa nCoV: Flag ceremony sa mga paaralan sa CDO silid-aralan muna

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 05:56 PM | Updated as of Feb 06 2020 07:08 PM

CAGAYAN DE ORO – Sisimulan na sa Lunes ang pagpapatupad ng kautusan ng Department of Education na gawin na muna sa mga silid-aralan ang flag ceremony bilang pag-iingat sa bantang dulot ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).

“By Monday, sa kanilang classroom na mag-flag raising kada section para ma-avoid ang crowding ng mga bata. This is our way of intervention para hindi magkumpulan mga bata in relation to nCoV,” sabi ni Jemuel Galay, principal ng Balua Elementary School.

Sa ipinalabas na memorandum ng DepEd Task Force n-CoV, ipinagpapaliban rin nito ang lahat ng mga aktibidad na titipon sa maraming mag-aaral tulad ng kanilang taunang national activities.

“DepEd suspends all activities, national activities that involves gathering of learners kagaya ng ating National Schools Press Conference at National Festival of Talents," sabi ni Dr. Alicia Anghay, ang officer-in -charge Assistant Schools Division Superintendent ng Cagayan de Oro.

Samantala, nilinaw ng DepEd na hindi nila nire-require ang mga estudyante na magsuot ng face mask, pero paalala nila sa mga ito, ugaliin ang paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol upang maiwasan ang anumang sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.