Nasa 2,000 baboy na positibo sa ASF sa Davao, kakatayin

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 10:02 PM

DAVAO CITY - Positibo sa African swine fever (ASF) ang ilang libong baboy sa dalawang barangay sa Davao City, ayon sa Department of Agriculture (DA) - Davao Region at veterinarian office ng lungsod nitong Huwebes. 

Nasa 2,000 baboy ang nakatakdang kakatayin na nakapaloob sa 1-kilometer radius ng mga barangay ng Lamayan at Dominga, habang ang 7-kilometer radius naman sa mga naturang lugar ay istriktong minomonitor.

Naka-lockdown naman ang ilang barangay pa sa Davao at hindi na pinapayagang makalabas pa ang mga livestock na mula dito para hindi na kumalat ang sakit.

Nakatanggap ng alarma noong Enero ang mga awtoridad dahil may i-ilang baboy na sunod-sunod namatay, kaya agad nagsagawa ng test ang mga opisyal ng lungsod. 

Nitong Miyerkoles lang dumating ang mga resulta na nagkumpirma na positibo sa ASF ang mga barangay. 

Nangako ang DA na magbibigay sila ng P5,000 sa kada baboy na kakatayin.

Ayon sa DA, hindi naman sila nababahala na makakaapekto ito sa hog industry ng Davao dahil marami namang piggery farms ang lungsod.

Abiso nila sa mga konsyumer, tuwing bibili ng baboy sa palengke ay hanapin ang meat inspection certificate na iniisyu sa mga baboy na dumaan na sa inspection ng city veterinarian.

Sa ngayon, hindi pa matukoy ang dahilan ng pagkalat ng ASF sa Davao Region.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.