Mga hakbang laban sa coronavirus inilatag ng BJMP sa Lipa

Dyan Loquellano, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 05:19 PM | Updated as of Feb 06 2020 05:39 PM

LIPA CITY – Nagpapatupad na ng mga hakbang ang Bureau of Jail Management and Penology sa Lipa City bilang pag-iingat para matiyak na mananatiling virus-free ang mga nakapiit sa pasilidad.

Ayon kay Jail Warden Ray De Luna, sinimulan na nilang magbigay ng mga lecture sa mga detainee tungkol sa banta ng 2019 Novel Coronavirus acute respiratory disease o 2019-nCoV ARD.

Naghigpit na rin sila sa mga dadalaw. Lahat ng papasok sa pasilidad ay dapat dumaan muna sa temperature scanner at kailangang nakasuot ng face mask.

Hindi na rin muna nila pinapayagang makapasok o makadalaw ang sinuman na may ubo, sipon o may sintomas na kahalintulad sa 2019-nCoV ARD. 

Sabi ni Senior Jail Officer 4 Allain Abastillas, officer-in-charge sa female ward, lahat ay maayos naman ang kalusugan at walang may sintomas gaya ng ubo o sipon.

Sa ngayon ay mayroong halos 500 na detainee sa buong pasilidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.