Masahistang dawit sa 'pagpatay, pagnakaw' sa 2 kustomer na senior citizen huli

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 04:57 PM | Updated as of Feb 06 2020 07:52 PM

Itinuring pa umanong pamilya ng dalawang biktima ang suspek, ayon sa pulisya. Screengrab

MAYNILA - Arestado ang isang lalaki na dawit umano sa pagpatay at pagnakaw sa mag-asawang senior citizen sa Quezon City. 

Naaresto ang suspek na si Melvin Manongdo sa isang follow-up operation sa probinsiya ng Isabela. 

Si Manongdo ay isang masahista na madalas umanong kostumer ang mag-asawang biktima na sina Leonardo Ollano, 69, at ang 63 anyos na asawa nitong si Nida Ollano. 

Base sa kuha ng CCTV noong Enero 29, pumasok si Manongdo sa bahay ng mag-asawa. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nabatid na magmamasahe dapat ang suspek sa lalaking biktima, pero nalamang pinagsasaksak at pinaslang na umano ng suspek ang dalawang biktima. 

Kuha rin sa CCTV ang suspek na dala ang mga pera at alahas ng mga napaslang makalipas ng ilang oras. 

Sa follow-up operation kontra sa suspek, narekober ng mga pulisya ang lahat ng ninakaw na pera at mga alahas mula sa biktima maging ang dalawang patalim na ginamit sa krimen. 

Nalaman sa imbestigasyon na dating kinakasama ng pamangkin ng mga biktima si Manongdo. Ayon sa pulisya, itinuring pa umanong pamilya ng biktima ang suspek. 

Nahaharap sa kasong robbery homicide si Manongdo.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.