Drug suspect patay sa engkwentro sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 04:49 AM | Updated as of Feb 06 2020 07:46 AM

Watch more in iWantTFC

Patay ang isang drug suspect matapos mauwi sa engkwentro ang buy-bust operation sa isang hotel Miyerkoles ng hapon sa Bungad, Quezon City.

Kinilala ng Cubao Police ang pumapangalawa sa drugs watchlist nila na si Carlito dela Peña alyas Utoy.

Nasabat sa suspek ang isang baril at halos 50 sachet ng hinihinalang shabu. 

Samantala, muling inaresto sa buy-bust operation ng mga operatiba ng drug enforcement unit ng Police Station 6 sina alyas Pagari at alyas Luningning Miyerkoles ng gabi sa Area 5, Barangay Matandang Balara, Quezon City.

Nakuha sa kanila ang halos 10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P70,000.

Ayon kay alyas Pagari na nakalaya nitong Nobyembre, ang pagbebenta ng ilegal na droga na ang nakagawian niyang pagkakitaan.

Halos wala namang pagsisi at handa umanong tanggapin ni alyas Luningning ang makulong muli matapos makalaya noong Abril.

Muling mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Sa follow-up operation naman ng mga pulis, nahuli si alyas Beth, nanay ni alyas Luningning at dalawa pang lalaki sa Balara, Quezon City.

Matapos mahuli ni alyas Luningning itinuro niya ang kanyang nanay na siya umanong supplier ng droga. 

Nakuha sa kanila ang 6 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P30,000.

Itinanggi naman ni alyas Beth na may kinalaman siya rito at sinabing niloko rin siya ng supplier niya sa Quiapo.-Ulat nina Anjo Bagaoisan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.