DOH: Karamihan sa dinapuan ng Wuhan coronavirus gumagaling din

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 07:01 PM | Updated as of Feb 06 2020 08:06 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Higit 500 na ang bilang ng mga namamatay dahil sa 2019 Novel Coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) at lagpas 28,000 na rin ang mga dinapuan ng naturang sakit. 

Pero nilinaw ng mga Health official dito sa Pilipinas na karamihan sa mga ito ay gumagaling din. 

"It’s not a death sentence even if you are diagnosed to have it. 98 percent probability you will recover from it," ani Department of Health (DOH) spokesperson Eric Domingo sa panayam ng ANC nitong Huwebes. 

Ayon sa World Health Organization (WHO), marami sa mga dinapuan ng novel coronavirus ay dati nang may iniindang sakit, tulad ng diabetes, high blood pressure, at sakit sa puso.

Sa ngayon, nasa 2 porsiyento ang mortality rate ng 2019-nCoV, ibig sabihin ay 2 sa 100 mga pasyente ang pumapanaw. Karamihan sa mga ito, may edad na, at dati nang may medical condition.

"The death rate now is now going down because we are testing people who are less severely affected, who have mild symptoms and in this scenario," ani Dr. Rabindra Abeyasinghe, WHO representative to the Philippines. 

Pero bukod sa mga may edad, may napaulat din na 2 sanggol ang dinapuan ng naturang coronavirus sa China. Hindi pa malinaw kung paano nahawa ang mga sanggol.

Sa isang ulat na lumabas, tila kakaunti lang ang bilang ng mga batang nagpapakita ng malalang sintomas kahit dinapuan ng 2019-nCoV.

Isang posibilidad ay puwedeng mild case ng virus lang ang dumapo sa kanila.

Pero nilinaw ni Dr. Edsel Maurice Salvaña, isang eksperto sa infectious diseases, na haka-haka pa lang ang lahat ng ito. Kulang pa umano sa datos para sa mas masusing pag-aaral o konklusyon.

Ang bagong strain ng coronavirus ay nagmula sa lungsod ng Wuhan sa probinsiya ng Hubei sa China. Talamak sa Wuhan ang bentahan ng mababangis na hayop bilang pagkain, at sinasabing doon nagmula ang virus. 


—Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.