Chinese na sisitahin sa coding, humarurot, nahulihan ng droga, nandura ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 12:15 PM | Updated as of Feb 06 2020 05:47 PM

Bukod sa paglabag sa number coding, nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek, kabilang ang kaso tungkol sa paggamit ng droga. Screengrab

MAYNILA (2ND UPDATE) — Naaresto ang isang Chinese national na pinaharurot pa umano ang kotse nang sisitahin sana sa paglabag sa number coding sa lungsod na ito. 

Kinilala ang suspek na si Zhao Zhi Yo. 

Ayon sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), pinara nila ang sasakyan ni Zhao sa kahabaan ng Binondo para sana sitahin. 

Nagpanggap umano si Zhao na hahanapin sa kaniyang sasakyan ang lisensiya, pero bigla uamano itong humarurot patungong Tayuman. 

Dahil sa pagmamadali, nabangga ni Zhao ang isang motorsiklo, SUV at e-trike sa kasagsagan ng habulan. 

Sa kanto na ng Abad Santos at Tayuman natapos ang habulan matapos pumailalim ang motor ng MTPB sa SUV.

Nagtulong-tulong ang mga pulis para ma-corner ang SUV at nang buksan ang bintana ng sasakyan, nakita si Zhao na kasama ang isang babaeng pasahero na si alyas "Lianne." 

Ayon kay Lianne, hindi niya personal na kilala ang suspek. Pinupukpok pa umano siya ni Zhao sa kasagsagan ng habulan. 

 

Ilang maliliit na plastic sachet umano ng hinihinalang shabu ang nakita ng mga pulis, ayon sa pulisya. 

Hindi marunong magsalita ng Ingles ang Chinese kaya naghahanap pa ng interpreter ang mga pulis para magkaintindihan sa isinasagawang imbestigasyon.

Nahaharap sa paglabag ng number coding, beating the red light, resisting arrest, reckless imprudence resulting in damage to property, at possession of illegal drugs ang dayuhan. 

Dinuraan pa ng suspek ang nang-aarestong pulis, dahilan para kasuhan ito ng direct assault bukod sa patong-patong pang mga reklamo. 

Nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Chinese Embassy para malaman kung may kinakaharap na kaso ang suspek sa China. 

-- Ulat nina Johnson Manabat at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.