Cathay Dragon Airlines, nagkansela ng mga Davao-Hong Kong flights

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 05:47 AM

DAVAO CITY - Nagpatupad na rin ng cancellation of flights ang Cathay Dragon Airlines mula Davao City patungong Hong Kong at vice versa kasunod ng banta ng novel coronavirus (2019-nCoV).

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines Manager Rex Obcena, magsisimula ang pagkansela ng flight ng Cathay Dragon ngayong Pebrero 11 hanggang Pebrero 28.

Una nang nagpatupad ng cancellation of flight ang Xiamen Air na may biyaheng Davao patungong Jinjang China nitong linggo.

Ayon kay Obcena, kailangang makipag-ugnayan ang mga apektadong pasahero sa Cathay Dragon para sa rebooking o refund ng kanilang ticket.

"Please coordinate with them directly, they can arrange any acceptable arrangement ‘yong mga pre-book tickets nila," ani Obcena.

Noong Oktubre 2018 nagsimula ang biyahe ng Cathay Dragon na Davao-Hong Kong-Davao.

Samantala, bukod sa mga hand soap at alcohol sa bawat toilet room sa Davao International Airport, naglagay na rin ng sanitizing station ang isang pharmaceutical company sa arrival area ng airport.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.