11 menor de edad, 2 iba pang babae nasagip sa pambubugaw

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 05:06 PM | Updated as of Feb 06 2020 08:17 PM

Depensa ng suspek, ang mga kababaihan ang lumalapit sa kaniya para magpabugaw. Screengrab

MAYNILA — Nasagip ng mga awtoridad nitong Huwebes ang 13 babae - 11 sa kanila ay menor de edad - mula sa pambubugaw, na kadalasang isinasagawa umano sa social media. 

Kinilala ang bugaw na si Honey Grace Rebusi, na dinala ang kababaihan sa isang restoran sa loob ng isang mall, para pagpilian ng National Bureau of Investigation (NBI) agent na nagpanggap na parokyano. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos kuhanin ni Rebusi ang entrapment money ay inaresto na siya ng NBI-Anti-Violence Against Women and Children Division.

Depensa naman ni Rebusi, ang mga kababaihan ang lumalapit sa kaniya para magpabugaw.

"Tinatanong nila ako kung meron bang puwedeng awra," ani Rebusi. 

Sa Facebook daw siya naghahanap ng mga kliyente. Natutunan niya raw ito lalo't menor de edad din siya nang magsimula siyang ibenta ang sarili.

"Lagi naman pong nasa huli ang pagsisisi," sabi ng suspek.

Dadalhin sa Department of Social Welfare and Development ang mga biktima. 

Kulong naman si Rebusi sa kasong human trafficking. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.