Mga pabor, tutol sa BOL nag-riot sa Lanao Del Norte

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2019 08:35 PM | Updated as of Feb 06 2019 08:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawa ang nasugatan matapos mauwi sa riot ang paghaharap ng mga tagasuporta at mga kritiko ng Bangsamoro Organic Law sa kasagsagan ng plebisito sa Tubod, Lanao Del Norte nitong Miyerkoles.

Nagtagpo malapit sa isang polling center ang mga tagasuporta ng BOL at mga tutol dito. Nagkainitan ang kanilang mga ulo hanggang sa nauwi sa batuhan ng malalaking bato.

Nagtamo ng mga sugat sa ulo, likod at braso si "One" habang itinakbo naman sa ospital ang isa niyang kasamahan dahil sa tama sa mata.

Ayon kay "One," binastos sila at sinabihan ng mga hindi magagandang salita ng mga tagasuporta ng BOL.

Natigil naman ang gulo sa pagdating ng mga pulis at sundalo, na nagpaputok ng mga warning shot.

Nadamay sa batuhan ang salamin ng isang trak, at nagkalat ang iba pang bubog ng mga bintana at semento.

Isang aso rin ang binawian ng buhay nang matamaan ng malaking bato.

Pinagpasiyahan nitong Miyerkoles kung aling mga lugar ang idadagdag sa itatatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Kasama sa botohan ang anim na bayan sa Lanao Del Norte at 67 barangay sa North Cotabato.

Nauna nang nagdaos ng plebisito noong Enero 21, na naging daan sa pagkakaratipika ng BOL. Sa ngayon, mapapabilang sa BARMM ang Cotabato City, Basilan (maliban sa Isabela City), Lanao Del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi.

MGA PAGSABOG

Bago ang riot, tatlong pagsabog ang nangyari malapit sa mga polling precinct sa mga bayan ng Lala, Kauswagan, at Sultan Naga Dimaporo sa Lanao Del Norte. Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa mga pagsabog.

Ayon kay Kauswagan Mayor Rommel Arnado, pananakot sa mga botante ang pakay ng mga pambobomba para hindi na bumoto, lalo sa mga bayan kung saan malakas ang "no."

"That is frustrating na sa dami-dami nating pulis, nakakalusot ang mga ito," ani Arnado.

Sa Iligan City naman, inaresto si Jabar Tago, mayor ng bayan ng Pantar, matapos makitaang may dalang mga armas ang kaniyang mga kasama.

Pinalaya din ang alkalde pero ikinulong ang dalawang police bodyguard niya.

Sa kabila ng mga umano ay pananakot, tinawag na "very promising" ni Commission on Elections spokesman Jamez Jimenez ang voter turnout o bilang ng mga bumoto sa plebisito.

May 75 porsiyento raw ng mga rehistradong botante ang nagtungo sa mga poll precinct para bumoto, ayon kay Jimenez.

Watch more in iWant or TFC.tv

Para naman kay Cotabato Provincial Police chief Senior Superintendent Maximo Layugan, matagumpay at payapa ang plebisito sa kanilang lalawigan.

PAGBIBIGAY NG AMNESTY PARA SA MILF, PINAG-AARALAN NA

Inaasahang pamumunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang gobyernong pansamantalang mamamahala sa BARMM.

Kasabay nito, pinag-aaralan na rin ang amnestiya na ipalalabas para sa mga rebelde.

"We're trying to fast-track the amnesty, but you know the amnesty has to be concurred with by Congress, so we're working on that," ani Undersecretary Nabil Tan.

Si Tan ang namumuno sa government panel na nangangasiwa sa pagpapatupad ng peace deal sa pagitan ng gobyerno at MILF.

Kabilang ang amnestiya sa mga napagkasunduan ng gobyerno at MILF noong 2014.

Isa raw ito sa mga hakbang para matulungang maghilom ang mga sugat na dulot ng ilang dekadang bakbakan.

Nangako rin ang gobyerno na tutulungan ang mga rebelde na makabalik sa normal na pamumuhay.

Ayon kay Mohagher Iqbal ng MILF, nasa 35,000 hanggang 40,000 ang bilang ng mga pangalan na isinumite ng kaniyang grupo para mapabilang sa amnestiya.

Ayon kay Iqbal, isusulong ng MILF na pansamantalang maluklok sa Bangsamoro Transitional Authority (BTA) ang ilan sa kanila habang hindi pa lumalabas ang amnestiya.

Pero ayon kay Benedicto Bacani ng Institute for Autonomy and Governance, hindi naman kailangan puro MILF, partikular ang mga combatant, ang nasa posisyon sa ilalim ng BTA.

"Sa governance you choose the best and the brightest among the Bangsamoro people," ani Bacani.

"The Bangsamoro government cannot be an employment agency for combatants," dagdag niya.

Tatlong taon pangungunahan ng MILF ang Bangsamoro hanggang isagsawa ang halalan sa 2022. --Ulat nina Ron Gagalac, Arianne Apatan at Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.