Labor groups duda sa 'regularization plan' ng DOLE, employers

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2019 08:26 PM

Nagkasundo na ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Employers Confederation of the Philippines (ECOP) para sa isang boluntaryong pangangasiwa sa mga manggagawang kontraktuwal. 

Ayon sa DOLE, may napipintong malawakang regularisasyon ng mga manggagawa sa mga susunod na buwan sa ilalim ng binalangkas nilang "voluntary regularization plan" kasama ang ECOP. 

Sa Biyernes nakatakdang opisyal na pirmahan ng DOLE at ECOP ang kasunduan.

Ang ECOP ang itinuturing na pinakamalaking samahan ng mga employer sa Pilipinas.

Prayoridad unahin sa regularization program ang mga empleyado sa mga kompanyang nakitaang nagsasagawa ng illegal contracting.

Ang mga natitirang kompanya sa ilalim ng ECOP, bibigyan ng hanggang tatlong taon para i-regular ang mga empleyado nila na aabot sa higit 200,000.

Sabi ng DOLE, kapalit ng pagpayag ng ECOP sa voluntary regularization plan ang hindi paggambala at pangungulit ng kanilang labor compliance inspectors sa mga kompanya. 

"Iyung mga labor law compliance officers namin ay hindi muna dadalaw sa kanila, except kung may complaint... Kaya nga may validation process," ani Labor Secretary Silvestre Bello III.

'PALUSOT'

Tingin naman ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), pakulo lang ito ng ECOP para malusutan ang pag-inspeksiyon ng DOLE sa kanilang mga kompanya. 

"We suspect this as a way for some abusive employers to escape from labor inspection. Kasi kung may commitment na sila to regularize, hindi na sila iinspeksiyunin ng DOLE labor inspectors. So this might be a case to evade labor inspection," hinala ni ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay. 

Hinaing pa ng ALU-TUCP, wala ni isang kinatawan mula sa labor sector nang maisapinal ang kasunduan ng ECOP at DOLE. 

Ganoon din ang tingin ng NAGKAISA Labor Coalition sa kasunduan

"[The] DOLE, ECOP [deal is] a pact of liars and hypocrites... [It] is just a PR stunt, perhaps fake news personified, meant to mislead the policymakers," ayon sa pahayag ng grupo.


—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.