CCTV footage sa pamamaril kay NDFP consultant Randy Malayao, inilabas

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2019 07:54 AM | Updated as of Feb 06 2019 08:14 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Inilabas ng pulisya ang CCTV footage kung saan nakuhanan ang pumatay kay National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Randy Malayao sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Chief Supt. Jose Mario Espino, director ng Police Regional Office in Cagayan Valley, sinundan na ang biktima habang nasa Quezon City pa lang.

Nakuhanan sa CCTV si Malayao na pasakay sa bus noong Enero 29. Mapapansin din sa video ang isang lalaki na naglabas ng cellphone at kinunan ng retrato ang bus na sinakyan ng biktima.

Sa CCTV naman sa loob ng bus at terminal sa Aritao, makikita ang 2 sinasabing person of interest na tila naghihintay at ang isa naman ay naninigarilyo.

Pagkatapos, makikitang umakyat ng bus ang gunman. Maririnig na lang ang pagkislap at 2 putok ng baril saka ito tumakbo pababa ng bus.

Ayon kay Espino, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa pagpatay kay Malayao.

"Binabatikos kami, dini-deflect daw namin ang isyu, 'yung pagbigay namin ng statement. Parang sinasabi na hindi namin iniimbestigahan. But ‘yung effort namin, 'yung CCTV, talagang sinisikap namin na ma-solve ang case," aniya.

Makakatulong aniya sa imbestigasyon ang mga cellphone at laptop ng biktima na nasa pamilya ni Malayao.

Pagiging miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) ng biktima ang tinitingnang motibo ng pulisya sa pamamaslang.

"Kapuwa niya ang pumatay sa kaniya. Unang-una, ang motive pinpoint doon sa kasamahan niya. The reports that we are getting na may internal problem sa hanay nila, isa 'yun. Wala naman siyang ibang personal o business interest that we know of," dagdag ni Espino.