'Supply ng NFA rice, pinakamababa na sa 10 taon'

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 10:49 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sapat na lang umano "para sa dalawang araw" ang supply ng bigas mula sa bodega ng National Food Authority (NFA).

Malayo ito sa target na imbak na supply na sapat sana para sa 15 araw.

"As of yesterday, nasa two days na lang po ang stock ng NFA... 'Yong two days naman po, ibig sabihin nito, kung NFA lang ang magpapakain sa buong Pilipinas... Nitong mga huling, siguro past 10 years, ito lang po 'yong time na ngayon lang nangyari na ganito kababa ang stock ng NFA," ani NFA spokesperson Becky Olarte.

Ramdam na sa ilang lugar ang kakulangan sa supply ng NFA rice.

Sa Quezon City, wala nang nabibiling NFA rice sa Muñoz market nitong mga nakaraang araw.

Ganito rin ang sitwasyon sa Cotabato City kung saan wala nang nabibiling NFA rice sa mga palengke.

Sa Baguio at Benguet, kulang na rin ang suplay ng NFA rice.

Tanging 14,000 sako na lang kasi ng NFA rice ang naiwan sa probinsiya, gayong 80,000 na sako ang kailangan doon.

Ngayon lang daw ito ng nangyari sa loob ng limang taon.

"Ito 'yong napaka-critical na situation ng part ng National Food Authority dahil ito lang nangyari na pinakamababa ang aming rice inventory," ani Cecilia Concubierta, provincial manager ng NFA Baguio Benguet.

Ayon sa NFA, kulang ang suplay dahil hindi pa naaaprubahan ang request ng ahensiya na mag-angkat ng 350,000 metric tons ng bigas sa ibang bansa.

Maraming konsumer ang umaasa pa naman sa NFA rice na P27 o P32 kada kilo ang presyo. Pumapatak na sa P57 ang kada kilo ng commercial rice sa Baguio at Benguet matapos ang P3 na itinaas sa presyo.

Limitado rin ang suplay ng NFA rice sa Pangasinan at Zamboanga del Norte dahil nakalaan ang suplay nito para may maipamahaging bigas sakaling tumama ang sakuna.

Pinawi naman ng Malacañang ang agam-agam na mauubos ang suplay ng NFA rice sa buong bansa.

"The situation really is under control. There is a standby order for 250,000 metric ton of rice," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Matatandaang noong nakaraang taon, sinipa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang opisyal dahil sa pagkontra niya umano sa desisyon ng NFA na ipagpaliban muna ang pag-aangkat ng bigas habang panahon ng ani.

-- Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.