'Nagbalik-loob': Dating NPA, sundalo na ngayon

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 08:50 AM

Isang dating miyembro ng New People's Army ang iprinisenta nitong Lunes ng umaga sa Sarangani Capitol grounds hindi bilang isang rebelde, kundi bilang isang sundalo.

Kabilang si alyas Ruben, 19-anyos, sa halos 70 sundalo ng 73rd Infantry Battalion na ide-deploy sa mga liblib na barangay sa Sarangani.

Mga sundalong miyembro ng Community Support Program ang mga ito na misyong alamin ang hinaing ng mga tao sa mga barangay na napasok na ng NPA.

Ayon kay Lt. Col. Marion Angcao, commander ng 73rd Infantry Battalion, malaking tulong ang gagampanan ng lokal na pamahalaan para mas marami pa ang makumbinseng magbalik-loob sa gobyerno.

"Their mission is to know kung ano 'yung problema ng masa. Tapos, ipaparating natin 'yun sa provincial government para ma-address nila," aniya.

Binubuo ng mga indigenous people at mga dating miyembro ng NPA ang kasama sa peace and development team, kabilang dito si Ruben.

Dalawang taong miyembro si Ruben ng Guerilla Front 71 na kumikilos sa Sarangani. Noong Pebrero ng nakaraang taon, nagdesisyon siyang sumuko sa militar.

"Kasi bata pa lang ako, gusto ko nang maging sundalo. 'Yung sabi kasi ng NPA, na berdugo ang mga sundalo, eh panahon pa ni Marcos 'yun eh. Iba na ngayon!" aniya.

Nakatanggap si Ruben ng nasa P70,000 na livelihood assistance na ginamit niya para makapagsimulang muli.

Dalawang buwan din siyang nagsanay sa 73rd IB para maging sundalo.

"Ang misyon ko ngayon ay kumbinsihin ang kasama ko na sumuko. Huwag lang kaming magkasagupa sa bundok dahil gagawin ko ang trabaho ko bilang isang sundalo," pahayag ni Ruben.

Sa Soccsksargen, higit sa 30 miyembro ng NPA ang sumuko na ngayong 2018.

Kabilang sa mga sumuko ay ang tagapagsalita ng Far South Mindanao Regional Command ng CPP-NPA na si Noel Legaspi, alyas Ka Efren, at ang misis nito.

“Now is the time para sumuko, may time frame lang ito. Baka nga 1 year lang ito o 6 months kapag natapos na ito at sumuko sila, wala silang matatanggap na tulong," ayon kay Angcao.

Buo naman ang suporta ng Sarangani Provincial Government. 

Ayon kay Gov. Steve Solon, nakahanda ang mga programang trabaho at edukasyon para sa mga gustong magbalik-loob.

"We are very willing to give assistance. Meron tayong pondo para diyan. Basta signify and prove your intention. Wala tayong mapapala sa bakbakan," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.