Mga mag-aaral at evacuees na naghahati sa gusali, aminadong nahihirapan

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 12:43 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tuloy ang pasok ng mga mag-aaral sa mga lugar sa Albay na napeperwisyo ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, kasabay ng pansamantalang pagsilong ng mga lumikas na residente sa kanilang mga paaralan.

Pero aminado ang pamunuan ng ilang eskuwelahang nagsisilbing evacuation center na mahirap ang pagbalanse sa paghati ng mga mag-aaral at mga lumikas sa mga gusali.

"Yung discomfort nila, especially 'yong matatanda, especially 'yong lumalabas sa classroom, [sinasabi] nila 'ma'am nahihirapan ako,'" kuwento ni Leonila Ante, principal ng Bitano Elementary School.

"Pero sabi nila, it's better to be safe than to have the comfort sa bahay nila," dagdag ni Ante.

Ibinahagi naman ng batang si John Lloyd Barangkil ang hirap sa pagiging mag-aaral sa umaga at evacuee sa gabi.

"Mas maganda sa bahay kasi doon walang ingay tapos makakatulog ka ng maayos," ani Barangkil.

Hindi rin maitanggi ng lumikas na si Josephine Bermudo na iba pa rin ang ginahawa ng pananatili sa sariling bahay.

"Di tulad sa bahay, kampante ka, eh dito talagang magti-tiyaga kang magpila sa pagligo, sa araw-araw," anang lumikas na si Josephine Bermudo.

Mayroon din umanong kakulangan ng palikuran sa mga evacuation center.

May mga mag-aaral naman na sa mga tent sa labas ng silid-aralan nagdaos ng klase.

"Ang importante 'yong mga bata na dapat makapag-aral kasi marami na tayong mga suspension," sabi ni Aldrin Grageda, principal ng Bariw Elementary School

Nananatili sa alert level 4 ang Bulkang Mayon habang patuloy itong binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Watch more in iWantv or TFC.tv

Binalikan ang pananim

Sinamantala naman ng ilang magsasaka ang tila pananahimik ng Bulkang Mayon kamakailan para makabalik sa kanilang mga taniman sa loob ng danger zone.

Kabilang sa mga ito sina Jocelyn Baria at ang kaniyang asawa, na inani ang kanilang mga pananim na kamote makalipas ang isang buwang pagpapabaya rito dahil kinailangang lumikas.

Ang ilan sa mga tinanim ng mag-asawang Baria ay kinain na ng daga.

Balak ng mag-asawa na ibenta ang kamote para magamit sa gastusin sa evacuation center at pag-aaral ng mga anak.

Ang ibang magsasaka ay malaki ang panghihinayang dahil ilang sako lang ng mga pananim ang nakuha.

Sa Nasisi Evacuation Center, binigyan ang mga magsasaka ng lote sa likod ng gusali para gawing taniman.

Ito ay para hindi na bumalik ang mga magsasaka sa kanilang mga taniman.

Namahagi rin ang Department of Agriculture nitong Lunes ng mga gamit sa pagtatayo ng tunnel-type greenhouse.

Tulong ito sa mga magsasaka na apektado ng ashfall o pagbuka ng usok ng bulkan.

Sa pamamagitan nito, hindi maaabot ng abo ang mga pananim.

Umabot na sa P185 milyon ang pinsala sa agrikultura sa Albay dahil sa nag-aalborotong bulkan.

-- Ulat nina Jorge CariƱo at Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.