Mga dayuhan, bawal nang magsaliksik sa Philippine Rise: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 01:58 PM

Ipinatigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng pag-aaral ng mga dayuhan sa Philippine Rise (dating Benham Rise).

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, inanunsiyo ito ng Pangulo sa pulong ng gabinete Lunes ng gabi.
    
Kasabay nito, inatasan ng Pangulo ang Philippine Navy na habulin ang sinumang nangingisda o nagsasaliksik sa Philippine Rise.
    
Ang Department of National Defense naman, inutusang magpadala sa lugar ng navy vessel at magpapalipad din ng eroplano ng Philippine Air Force.

Nasa silangan ng Isabela province ang Philippine Rise, na sinasabing namumukadkad sa sari-saring marine resources at gas reserves.
    
May diin umanong idineklara ng Pangulo na sa Pilipinas ang Philippine Rise.

Nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pagsasaliksik lang ang bawal at maaari pa ring dumaan ang mga sasakyang pandagat ng mga dayuhan, bilang parte ng "freedom of navigation" sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

Matatandaang binatikos si Roque kamakailan matapos umanong sabihing "kailangan" ng Pilipinas ang Tsina para magsaliksik sa Benham Rise.

Nilinaw naman ito ng tagapagsalita ng Pangulo, at sinabing mali ang intindi ng karamihan sa kaniyang sinabi. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.