Lalaking nagnakaw umano ng bisikleta, nahulihan ng hinihinalang shabu

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 12:23 AM | Updated as of Feb 06 2018 12:24 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang lalaki matapos umanong magnakaw ng bisikleta at mahulihan ng hinihinalang shabu nitong Lunes ng madaling araw sa may bahagi ng EDSA sa Caloocan City.

Nakuha sa suspek na si Fernando Gregorio ang hinihinalang shabu matapos habulin ng mga kawani ng Caloocan Department of Public Safety and Traffic Management.

Para kay Senior Superintendent Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan police, tulak umano ng droga ang suspek at "sideline" lang ang pagnanakaw.

"Hindi ka magkakaroon ng marami-raming droga kung hindi mo ipu-push 'yan," ani Modequillo.

Depensa naman ng suspek ay hindi niya alam na droga ang kaniyang hawak.

"Nangangalakal po ako sa gabi pero nung nakita ko ... dinampot ko, akala ko bato," anang suspek.

Ipasusuri ng Caloocan police ang nakuha mula kay Gregorio.

Drug ops

Samantala, apat ang kaloboso sa magkahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4 noong Sabado sa Barangay Nova Proper at Barangay Bungad.

Dalawa sa mga naaresto ay may edad 16 at 17 anyos.

Nasa dalawang kilo ng marijuana ang nabawi ng pulisya sa mga operasyon.

Nababahala naman ang pulisya dahil sa social media nangyari ang pangangalakal ng ilegal na droga.

"Sa Facebook, sa messenger, may mga grupo diyan ... kung mapapasok niyo 'yang chat nila, nag-aanuhan sila kung paano magtanim," ani Senior Inspector Dennis Francisco, hepe ng QCPD Station 4 Drug Enforcement Unit.

Plano ng QCPD na katukin ang bahay ng mga nasasangkot sa drogang mga menor de edad para paalalahanan na lumayo sa masamang bisyo.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.