Kamuning Bakery sa QC, nasunog

Jekki Pascual at Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 03:28 AM | Updated as of Aug 24 2018 02:58 PM

Nasunog ang Kamuning Bakery sa Judge Jimenez Street corner K-1st Street, Quezon City Martes ng madaling araw.

Tinatayang hindi bababa sa P1 milyon ang halaga ng pinsala ng sunog, ayon sa Bureau of Fire Protection.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, sumiklab ang sunog alas-12:52 a.m. sa stock room ng bakeshop na nasa pangalawang palapag.

Mabilis kumalat ang apoy at itinaas ito sa first alarm 1:04 a.m. 

Idineklarang fire out ng BFP ang insidente alas-2:36 a.m. Natupok ang pangalawang palapag ng establisimyento.

Kuwento ni AJ Ramos Pimentel, isang residente sa lugar, bigla na lang daw silang nagising sa tunog ng mga tila sumasabog na gasul.

"Sabi ko sa kapatid ko, tignan mo nga dahil amoy usok. Tapos 'yun nga, nasusunog na. Naririnig po namin malakas kung anu-anong sumasabog," aniya.

Ayon naman kay Insp. Rosendo Cabillan ng BFP, isa sa tinitingnan nilang anggulo sa insidente ay baka nag-rekindle ang apoy sa katabing establisimyento na nasunog Lunes ng hapon.

"Posible po pero medyo matagal kasi 'yung oras na pagitan nung dalawa pero posible 'yun," aniya.

Sa pamamagitan naman ng text message sa DZMM, sinabi ng may-ari ng bakery na si Wilson Flores na nalulungkot siya sa pangyayari.

Nasa abroad si Flores nang mangyari ang sunog.

Aniya, pinalipat na niya ang lahat ng staff na natutulog sa bakery.

Umabot na ng 78 taon ang Kamuning Bakery na paboritong tambayan ng mga government officials at iba pang personalidad dahil sa kanilang pan de sal na niluluto sa pugon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.