217 dating NPA, lumipad pa-Maynila para makipaghapunan kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 01:22 PM

Kuha ng Eastmincom

Nasa 217 dating miyembro ng New People's Army (NPA) ang lumipad na pa-Maynila alas-9 ng umaga Martes mula sa Tactical Operation Group XI, Sasa, Panacan, Davao City upang makahapunan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Parte ang unang batch na ito ng 683 NPA na iprinisenta ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom) noong Disyembre 2017.

Kuha ng Eastmincom

Upang mas maengganyo umano ang mga dating rebelde na makilahok sa pagpapaunlad ng bansa, magkakaroon din sila ng educational tour sa Intramuros at Malacañang.

Kaakibat ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), dadalhin rin ang mga dating NPA sa taniman ng kabute at iba pang farm sa Bulacan upang bigyan sila ng ideyang pangkabuhayan. 

Walang babayaran ang mga dating NPA sa nasabing pagpunta at pagpasyal sa Maynila.

--Ulat ni Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.