Suspek sa rape-slay ng 13-anyos sa Caloocan, arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2017 12:27 AM

CAPTION

Arestado na ang suspek na nanggahasa at pumatay umano sa 13-anyos na dalagita sa Caloocan City. 

May mga sugat sa mukha ang suspek na si Lino Albaiz nang iharap ng Caloocan PNP sa media. Tanda umano ito ng panlalaban ng biktimang si Rebecca Galguerra.

Inamin naman ni Albaiz na napatay nga niya ang dalagita, pero giit nito, may relasyon sila ng biktima.

Sabado ng hapon nang magpaalam si Rebecca sa kanyang ina na manunungkit ng mangga pero hanggang gabi, hindi pa umuuwi.

Linggo na ng umaga nang matagpuan ang hubad na katawan ng biktima. May takip ng plastic ang mukha at puno ng styrofoam ang bibig. 

Dati na umanong nagkakaso ang suspek sa Pasig City ng malicious mischief. At sa pagkakakilala ng ilang residente, may diperensya umano sa pag iisip ang suspek.

Nangako na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima. 

Nahaharap naman sa kasong rape with homicide si Albaiz.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.