Archbishop Villegas, nanindigan ukol sa Pastoral Letter ng CBCP

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2017 09:39 PM | Updated as of Feb 06 2017 10:04 PM

President Rodrigo Duterte and Archbishop Socrates Villegas. Composite

Hindi pakikialam sa gobyerno, kundi pangangalaga sa moralidad.

Ito ang iginiit ni Archbishop Socrates Villegas ukol sa Pastoral Letter na inilabas ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa kampanya ng gobyerno kontra sa iligal na droga. 

Sa isang panayam, sinabi ni Villegas na nababahala ang simbahan dahil sa nagiging "manhid" na umano ng taumbayan sa mga patayang nagaganap sa gitna ng gyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

"Huwag nating kakalimutan na merong pitong libong pamilya din ang ulila hanggang ngayon, na hanggang ngayon may luha sa mata. Hanggang ngayon hindi malaman kung saan kukunin ang kanilang ipanghahanapbuhay," sabi ni Villegas na kasalukuyang presidente ng CBCP.

Hindi rin daw panghihimasok sa mga gawain ng gobyerno ang pastoral letter. 

"Outside religion ba yung sabihin naming huwag kang papatay? Isa sa sampung utos yun eh," dagdag pa ni Villegas. 

Sinabi rin ng arsobispo na hindi mahalaga kung Philippine National Police o Philippine Drug Enforcement Agency ang humahawak sa kampanya laban sa droga. 

"Ang mahalagang tanong ay paano hahawakan. Sapagkat kahit sinong humawak noon pero kung ang attitude ay patayin yung drug addict ay ganun pa rin ang magiging landing noon," sabi ni Villegas. 

Samantala, nakahanap naman ng kakampi ang CBCP sa lider ng iba pang denominasyon. 

Ayon kay Bishop Noel Pantoja na National Director ng Philippine Council of Evangelical Churches, maging sila ay nababahala sa madugong takbo ng gyera kontra sa iligal na droga.

"Panawagan namin mismo sa Pangulo ay siya mismo ang maghinto ng pagdanak ng dugo sa ating bayan at mag-imbestiga sa human rights ng mga biktima," ayon kay Pantoja. 

Ikinalungkot din ni Bishop Reuel Maligsa ng United Church of Christ in Philippines na nadadamay ang mga inosente sa mga operasyon laban sa mga drug pusher.

Ayon kay Maligsa, hindi pwedeng idahilan na "collateral damage" lang ang mga nadadamay sa operasyon ng pulisya. 

Sa kabila nito, suportado pa rin ng administrator ng Manila Golden Mosque ang kampanya kontra droga ng gobyerno. 

Ayon kay Hajj Moh'd Malli, nawala ang droga sa Muslim community dahil sa kampanya ni Pangulong Duterte.

-- may ulat si Michelle Soriano at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News