PatrolPH

Mga bulok, sobrang hinog na kamatis sa Balintawak Bagksakan tinatapon at pinamimigay

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2023 09:06 PM

Nabigyan ang kargador at single father na si Arturo Cardenas ng mga patapon ng kamatis sa Bagsakan sa Balintawak. Reiniel Pawid, ABS-CBN News
Nabigyan ang kargador at single father na si Arturo Cardenas ng mga patapon ng kamatis sa Bagsakan sa Balintawak. Reiniel Pawid, ABS-CBN News

QUEZON CITY - Naging matumal na ang bentahan ng kamatis sa Bagsakan sa Balintawak dahil sa dami at mura ng mga ito. 

Naglalaro sa P25 hanggang P40 kada kilo ang kamatis sa naturang pamilihan. 

Ang kargardor na si Arturo Cardenas, umiikot sa Bagsakan upang manghingi ng mga sobrang hinog at patapon ng mga kamatis. 

"Pwede pa kasing pakinabangan, pwedeng panggisa hindi pa naman masyadong bulok okay lang to malambot. Gisa mo lang to langyan mo ng konting toyo, vetsin o asin makakain mo na to," dagdag ni Cardenas. 

Ramdam ng tindero ng kamatis na si Pao Josol ang tumal ng benta dahil inaabot umano ng limang araw ang kanyang mga paninda na dati’y napauubos sa loob ng isang araw. 

"Yung iba patapon na, tinatapon na namin bulok na. Kasi ngayon dagsa ang kamatis at mura. Ngayong linggo, tatlo o apat na beses na kami nagtapon," dagdag ni Josol. 

Bagsak-presyo na nga ang kamatis, mas binababaan pa ito ng tinderang si Betty Sebuma. Ang mga malalambot at hinog na kamatis pumapatak na lang ng P18 ang kilo. 

"Binibigay po namin presyo namin tapos pag hindi kaya binibigay na sa tawad nila. Binebenta na lang po namin ng mura keysa itapon sayang naman po," paliwanag ni Sebuma. 

Ayon kay Michelle Evaristo, Senior Science Research specialist ng DOST-Industrial Technology Development Institute, lahat ng kanilang regional offices ay may processing equipment para sa mga nais magsimula ng tomato-based products. 

Kabilang na riyan ang paggawa ng ketchup, purée, tomato sauce at candies. 

"Hindi na kailangan pumunta rito sa Maynila so doon sa sarili nilang regional office maari nang mag-conduct ng research and development (sa kanilang produkto)," dagdag ni Evaristo. 

Sa ilalim naman ng Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) program, bawat komunidad ay maaring bigyan ng gamit para mapalago ang produkto gaya ng kamatis. 

"Ito ay hindi utang, ang binibigay po namin dito ay equipment na kinakailangan ng mga community para makapag proseso ng kanilang produkto," ani Evaristo. 

Samantala, Inilunsad ng Tanging Yaman foundation, isang Non-Profit Organization ang donation drive para matulungan ang mga kamatis farmer sa Central Luzon. 

Ibebenta nila ang mga aning kamatis ng mga magsasaka sa halagang P1,500 kada 100 kilo. 

Ipamamahagi naman sa mga mahihirap na komunidad sa Metro Manila ang mga mabebentang kamatis. 

"Your donation of P1,500.00 will purchase 100 kilograms kamatis from Central Luzon farmers which TYF will distribute to the urban poor in Metro Manila," base sa Facebook post ng Tanging Yaman Foundation. 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.