PARIS - Nagulat ang maraming Pinoy sa Paris lalo na ang Filipino community leader sa napipintong pagpapalit ng Philippine ambassador sa France. Ililipat na sa Vancouver, Canada ang career diplomat na si Ambassador Junever Mahilum-West na itinalagang ambassador ng Pilipinas sa France noong August 6, 2021.
Isang taon at tatlong buwan palang siyang nanunungkulan sa Philippine Embassy sa France. Ang dating Presidential Management Staff chief na si Zenaida “Naida” Angping ang hahalili kay Mahilum-West.
Ikinalulungkot naman ng mga Pilipino sa Paris ang biglaang pagpalit sa ambassador.
“Nalulungkot (ako) sa kanyang pag-alis unang una na napaka-supportive niya sa aming community leaders dito sa France at saka simula pa lang nang dumating siya, panatag na agad ang loob namin. Napaka-down to earth niyang tao. Siya yung klase na ambassador na madali mong kausapin at saka she has a very smiling face. Nakakagaan ng loob namin na lumapit sa kanya kung ano ang problema namin dito sa Paris sa community at kaya nga nagulat kami lahat ng sinabi niya na paalis na siya,” sabi ni Annie Estricomen, president ng Calabarzon Association sa Paris.
“Dapat pinatapos muna ang termino niya bago siya palitan. Yung iba ngang ambassador dati nag-i-extend pa sila rito ng how many years. Dapat ganun. Hindi maganda ‘yan ipinakikita na ganyan,” sabi ni Tessie Gloria, Pinay sa Paris.
"Malungkot kaming mga Pilipino dito sa Paris. If possible bigyan ninyo pa ng pagkakataon kahit na three years more," sabi ni Ellen Lasala, Pinay sa Paris.
Ayon kay Mahilum-West, inaasahang lilipad siya patungong Canada sa pagtatapos ng Pebrero, kahit sa maikling panahon daw mas nakilala niya ang Filipino community sa France at masaya siyang naging bahagi ng komunidad na aktibo sa pagsulong ng kapakanan ng mga kapwa Pilipino.
“Nakita namin na masayahin talaga ang Pinoy and sa kabila ng mga problema, meron pa rin pagkakataon para magsaya. We have vibrant and dynamic communities at saka (dahil nasa France), we have all resources para tulungan ang ating sarili at ating komunidad, so let’s do it” sabi ni Mahilum-West.
Dagdag pa ng outgoing ambassador, paghandaan ang pagreretiro sa Pilipinas o ang pagtanda sa ibang bansa.
“Yung profile ng ating community medyo tumatanda na. May members tayong seniors, so we should give special attention to their needs, kasi minsan may mga kababayan tayong hindi nakapagpundar o hindi pwede umuwi sa Pilipinas kahit na old old age na. So I think bigyan natin ng pansin.” sabi ni Mahilum-West.
Bago ang panunungkulan sa France, naging DFA Assistant Secretary si Mahilum-West for ASEAN Affairs at naging ambassador din sa Jordan.
Nagbabalik naman siya sa Canada dahil naging Consul General na siya noon sa Toronto, Canada. May mahigit na limampung libong Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa France.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa France, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
KAUGNAY NA VIDEO: