PatrolPH

Mga kaso ng diarrhea sa Caraga pumalo na sa 463; 4 patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2022 04:15 PM

CARAGA, Davao Oriental—Umakyat na sa 4 ang bilang ng mga namatay matapos magkaroon ng diarrhea outbreak sa bayang ito mula pa noong Linggo.

Mula sa 426 na bilang ng mga kaso ng nagkasakit noong February 3, may 463 nang naitala ang provincial information office.

Unang nasawi ang isang 11 buwang sanggol at isang 57 anyos na lalaki. Sumunod namang namatay ang 36 anyos at 19 anyos na mga lalaki, residente ng Barangay Santiago, kung saan naitala ang pinakamaraming kaso ng nagkasakit sa anim na barangay.

Malubhang dehydration umano ang dahilan ng pagkamatay ng mga pasyente.

Wala pa umanong resulta ang isinagawang test, kaya hindi pa kumpirmado kung kaso nga ba ito ng cholera.

Una nang sinabi ni Governor Nelson Dayanghirang noong Huwebes na ang maruming tubig ang dahilan ng pagkakasakit ng mga residente sa lugar.

Pero nagbigay na aniya sila ng mga gamot na pwedeng ihalo sa tubig para malinis na ito kung iinumin. — Ulat ni Chrislen Bulosan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.