PANOORIN: Milk tea shop sa Muntinlupa, nabiktima ng 'budol-budol'

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2021 06:22 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nabiktima ng pambubudol ang isang milk tea shop sa Barangay Cupang, Muntinlupa City Miyerkoles ng hapon.

Sa kuha ng CCTV ng tindahan, tila napadaan lang ang salarin sa harap ng tindahan sa Manuel L. Quezon Street kung saan nakabantay ang dalagang tindera. 

Nagpakilalang delivery boy ang lalaking si “Jomari” at nagsabing maniningil ng mahigit P3,500 bilang bayad para sa hinatid niyang mga powder ng inumin.

(https://twitter.com/anjo_bagaoisan/status/1357439320634716160?s=20)

Humingi siya ng papel sa babae para sulatin ang umano’y utang pero sinabing iabot na lang ng tindera kung ano lang ang kayang bayaran.

Umabot ng P660 cash ang tinangay ni “Jomari” na laman ng kaha pagkatapos ng 4 na minuto.

Ilang minuto ang nakalipas saka naisip ng attendant na tawagan ang amo para ipaalam ang nangyari.

Sabi ng may-ari ng tindahan na si Vicson Villadares, na-trauma ang tindera sa pambubudol lalo’t kapapasok lang nito sa trabaho.

Buti na lang aniya matumal ang benta nila noong araw na iyon kaya kaunti lang ang nakuhang pera.

“Mahirap ang panahon ngayon dahil mahina ang benta, nanakawan ka pa,” sabi niya. 

"Hindi malimutan [ng tao namin] ang experience niya dahil first time niyang maka-experience ng ganyan.”

Nang i-post ni Villadares ang kuha ng CCTV sa social media, nadiskubre niyang ginawa na rin ito ng lalaki sa iba pang mga tindahan sa Cupang at mga katabing barangay ng Bayanan, Alabang, at Poblacion.

Madalas din niyang modus operandi ang pagpapalabas na may utang ang may-ari ng tindahan sa kanya para makakuha ng pera.

Obserbasyon ni Villadares: “Tinitingnan muna niya ang tindahan tapos ‘pag nakita niyang vulnerable… kung bata… kung madaling mauto. Titingnan muna niya bago pumasok. Nagmamadali din ‘‘yong approach niya kaya natataranta ang kausap niya."

Nai-report na ni Villadares sa barangay Cupang at Poblacion ang insidente at pinaghahanap ngayon ang lalaki. 

Mensahe niya sa suspek: "Sana magtrabaho ka na lang kaysa mamerwisyo ka ng mga nagsisikap kasi hindi naman lahat ng nagnenegosyo may pera.”