Pulis aarestuhin ang magpapakalat ng 'fake news' ukol sa Wuhan coronavirus

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 03:43 PM


MAYNILA — Handang arestuhin ng pulisya ang sino mang magpapakalat ng fake news ukol sa bagong uri ng coronavirus mula sa Wuhan, China. 

Sa isang press statement, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na labag sa batas ang pagkakalat ng mga hindi lehitimong impormasyon, lalo't maaari itong magdulot ng panic sa mamamayan. 

Kakasuhan ang mga kawatan sa ilalim ng Presidential Decree 90 o Declaring Unlawful Rumor-Mongering and Spreading False Information at Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law. 

Nauna nang sinabi ng Department of Justice na may batayan ang pagkakaso ng cybercrime laban sa magkakalat ng fake news, kahit ang termino ay wala pang depinisyon sa batas. 

‪"If the intent in causing the publication of false information is to create or aggravate public disorder, or undermine govt efforts during a state of public emergency, and such publication is effected by means of information technology, appropriate charges under the Revised Penal Code in relation to the Cybercrime Prevention Law may be filed against perpetrators," ani Justice Secretary Menardo Guevarra. 

Umaapela naman ang PNP sa publiko na maging alerto at mapagbantay at i-report sa mga awtoridad ang sino mang nagkakalat ng fake news.

Ang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) ay ang bagong uri ng coronavirus na nagmula sa Wuhan ng China, kung saan talamak ang bentahan ng mababangis na hayop bilang pagkain. 

Sinasabing galing hayop ang virus at naipasa lamang sa tao.

Sa Pilipinas, 3 na ang kumpirmadong tinamaan ng 2019-nCoV. 


—May ulat nina Mike Navallo at Henry Atuelan, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.