PNP, NBI tutulong sa pagtunton ng mga nakasalamuha ng PH 2019-nCoV patients

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 01:37 PM | Updated as of Feb 05 2020 06:18 PM

MAYNILA (UPDATE) — Ikinasa na ng mga awtoridad ang mas malawakang contact tracing o pagtunton sa nasa 300 taong nakasalamuha umano ng 2 Chinese na kumpirmadong tinamaan ng bagong coronavirus, ayon sa kalihim ng Department of Health (DOH). 

Kasunod ito ng pagpuna ng Senado sa ahensiya sa umano'y mabagal na pagtunton sa nakasabay ng 2 pasyente sa kanilang mga eroplanong sinakyan. 

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, makikipag-ugnayan sila sa Philippine National Police (PNP) para kumpletuhin ang contact tracing sa loob ng 48 oras. 

"Sabi ko 48 hours, you have to complete that contact tracing... Kailangan magtulungan na lang," ani Duque. 

Nasa 58 airline passengers na umano ang natukoy ng Health department na umupo malapit sa mga pasyenteng biktima ng coronavirus mula Wuhan. Magtutulungan aniya rito ang Epidemiology Bureau ng DOH at mga tauhan ng PNP. 

Ngayong Miyerkoles, nasa 133 na kaso ng hinihinalang coronavirus ang iniimbestigahan ng gobyerno. Nadagdagan na rin ng isa pa ang kumpirmadong kaso ng nCoV. 

Kumilos na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) para tumulong sa mas malawakang contact tracing.

"The NBI will touch base with the DOH directly. Contact tracing can be competed in a couple of days, provided there's efficient coordination among the DOH, the CAB, the airline companies, the DILG (LGUs), the PNP and the NBI," ani Justice Secretary Menardo Guevarra.

Isa sa 2 Chinese na may Wuhan coronavirus ang pumanaw na noong Sabado. 

PROTOCOL

Samantala, naglatag ng protocol ang mga airline firms, Immigration, at aviation authorities ukol sa contact tracing. 

Manggagaling sa Bureau of Quarantine (BOQ) ang impormasyon ng mga pasaherong pinagsususpetsahang nahawaan ng bagong coronavirus. 

Iko-coordinate din umano sa mga airline ang mga detalye na kinakailangan gaya ng airline number. 

Sunod na ipapasa ng BOQ sa Epidemiology Bureau ng DOH ang impormasyon. 

Dalawa hanggang 3 form ang pipirmahan ng mga pasahero sa paliparan pagdating ng Pilipinas, kabilang dito ang health declaration card na ipinapasa sa BOQ bago bumaba ng eroplano.

Tingin ni Civil Aeronautics Board (CAB) executive director Carmelo Arcilla na maaaring nagkaroon ng kalituhan sa pag-uusap sa Senado sapagkat malinaw aniya ang protocol sa contact tracing. 

"Nagkaroon lang ng confusion along the line. May error in translation na hindi nagkaintindihan. 'Yun naman pala walang problema ang BOQ in collecting the details from airlines," ani Arcilla.

Ayon sa airlines na nasakyan ng mga nagpositibo sa bagong coronavirus, nakapagbigay naman daw sila ng detalye sa mga awtoridad at handa silang tumulong sakaling may kailanganin muli na detalye. 

Ayon naman sa Air Asia, na nasakyan ng ikatlong pasyenteng nagpositibo sa coronavirus sa bansa, handa silang makipag-ugnayan sa DOH.—May ulat nina Raffy Santos at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.