Pangatlong kaso ng novel coronavirus sa PH naitala sa babaeng Chinese

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 03:11 PM | Updated as of Feb 05 2020 08:06 PM

Nakasuot ng face mask ang mga turistang namamasyal sa loob ng Intramuros sa Maynila noong Enero 31, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Isang 60 anyos na babaeng Chinese ang ikatlong kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa Pilipinas, sabi ngayong Miyerkoles ng Department of Health (DOH).

Pero na-discharge na sa ospital ang babae at nakauwi nang China noong nakaraang buwan, ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo.

Galing Wuhan, China — ang pinagmulan ng virus — ang babaeng pasyente, na dumating sa Cebu noong Enero mula Hong Kong, ani Domingo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumuntang Bohol ang pasyente at noong Enero 22, nagpakonsulta siya sa isang pribadong ospital sa nasabing probinsya matapos makaranas ng lagnat.

Lumabas sa test ng Victorian Infectious Diseases Reference Laboratory sa Australia at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa na negatibo sa novel coronavirus ang mga sample na kinuha sa babae noong Enero 23.

Nang gumaling, na-discharge ang babae at pinayagang makabalik ng China mula Cebu noong Enero 31.

Pero noong Lunes, inabisuhan ng RITM ang DOH na nagpositibo sa novel coronavirus ang samples ng babae na kinuha noong Enero 23.

Sinimulan na ng DOH Epidemiology Bureau ang paghahanap sa mga taong nakasalamuha ng babae, ayon kay Domingo.

Nakikipag-ugnayan na ang DOH Epidemiology Bureau at Bureau of Quarantine sa airline ng mga flight na sinakyan ng pasyente habang nakikipag-ugnayan naman ang Central Visayas Center for Health Development sa ospital na tinuluyan ng pasyente at sa ospital kung saan siya na-admit. 

Samantala, umabot naman sa 133 ang patients under observation o iyong mga inoobserbahan para sa naturang coronavirus, ayon sa DOH.

Sa 133, 115 ang naka-admit at naka-isolate sa mga ospital habang 16 ang na-discharge pero mahigpit na binabantayan.

Animnapu't tatlo naman sa patients under observation ang Pilipino, 54 ang Chinese habang 16 ang galing sa ibang nationality. Tatlumpu't dalawa sa kanila ang iniulat na bumiyahe sa Wuhan.

Noong nakaraang linggo, iniulat ng DOH ang unang kaso ng novel coronavirus sa bansa: sa isang babaeng Chinese na galing din Wuhan.

Isang lalaking Chinese naman na kasintahan ng unang pasyente ang naitala bilang ikalawang kumpirmadong kaso pero pumanaw siya noong Sabado dahil sa acute respiratory disease.

UNANG PINOY NA NAHAWAHAN NG VIRUS

Bukod sa mga naiuulat na kaso sa bansa, naiulat na rin ang pinakaunang kaso ng Pilipino na nahawahan ng novel coronavirus.

Isang Pinoy na crew member ng barkong Diamond Princess, na isinailalim sa quarantine sa Japan, ang nagpositibo sa bagong virus, sabi sa pahayag ng Princess Cruises na nago-operate sa barko.

Bukod sa isang Pinoy, may 2 Australian, 3 Japanese, 3 Hong Kong resident, at isang Amerikano ang nagpositibo sa virus.

Dadalhin ang mga pasyente sa ospital para gamutin habang mananatili sa quarantine ang nasa 2,600 pasahero at 1,045 crew ng barko, ayon sa Princess Cruises.

Bunsod ng pagpasok ng virus sa bansa, nagpatupad ang Pilipinas ng ban sa mga biyahe papunta at galing mainland China, Hong Kong at Macau.

Watch more in iWant or TFC.tv

PATAKARAN SA MGA PORT

Kaugnay ng travel ban, inihayag ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na ipinagbabawal ang pagbaba ng crew ng mga barkong galing Mainland China, Hong Kong at Macau.

Pero hindi umano hihintayin matapos ang 14-day quarantine period bago ibaba ang kargamento dahil iniiwasan ng PPA na maapektuhan ang presyo ng mga produkto.

Nilinaw din ni Santiago na kung Pinoy ang crew ng barko at sa Pilipinas ang huling destinasyon, papayagan ang mga ito na bumaba kung dadaan sa quarantine period.

Hindi naman tatanggapin sa mga pier ang mga cruise ship na galing sa mga lugar na sakop ng travel ban, ayon kay Santiago.

Samantala, pinag-aaralan naman daw ng Palasyo ang posibleng pagtanggal ng travel ban sa mga oversas Filipino worker (OFW) na papuntang China, Hong Kong at Macau sa gitna ng mga pangambang baka mawalan ang mga ito ng trabaho.

Watch more in iWant or TFC.tv

Handa naman daw ang Department of Labor and Employment na tulungan ang mga apektadong OFW sa pamamagitan ng tulong pinansiyal at pangkabuhayan o redeployment sa ibang bansa.

Umabot na sa higit 24,000 ang naitalang nahawahan ng novel coronavirus sa China at iba pang bansa sa Asya, North America, at Europe. Hindi naman bababa sa 490 ang mga nahawahan na namatay na.

Ang virus galing Wuhan ang pinakabagong uri mula sa isang pamilya ng mga virus na nagdudulot ng impeksiyon at sakit sa paghinga.

Ipinayo ng health officials ang proper hygiene o pagpapanatili ng kalinisan sa katawan bilang mabisang pangontra sa virus.

Sinabi rin noong Lunes ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat gaanong matakot ang publiko sa virus. -- May ulat nina Raphael Bosano, Pia Gutierrez, at Zen Hernandez, ABS-CBN News, at mula sa Kyodo News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.